
MANILA — Inatasan ni Transportation Secretary Banoy Lopez ang mga opisyal ng Light Rail Transit Authority (LRTA) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pabilisin ang paglalagay ng mga bus sa mga ruta ng LRT-2 upang mabawasan ang mahabang pila ng mga pasahero.
Ang hakbang ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking maayos at tuluy-tuloy ang biyahe ng mga komyuter habang tinutugunan ang kakulangan ng mga tren sa LRT-2.
Sa pagbisita ni Lopez sa Antipolo Station ng LRT-2 nitong umaga, inatasan niya si LRTA Administrator Hernando Cabrera na agad makipag-ugnayan sa LTFRB upang mapabilis ang paglalagay ng karagdagang mga bus na magsisilbing alternatibong masasakyan ng mga pasahero.
Ayon kay Lopez, kailangang humanap ng agarang solusyon upang hindi mahirapan ang mga estudyante, manggagawa at iba pang komyuter na umaasa sa LRT-2 sa kanilang araw-araw na pagbiyahe.
“ Kailangan nating humanap ng mga alternatibong paraan para hindi maantala ang biyahe ng mga estudyanteng papasok sa eskuwela, mga empleyadong papasok sa opisina at mga komyuter na pupunta sa kani-kanilang destinasyon. At kahit papaano, mabigyan natin ng ginhawa ang mga pasaherong pumipila,” ani Lopez.
Iniutos din ng kalihim na tiyaking tuluy-tuloy ang operasyon ng mga tren, bigyan ng prayoridad na pila ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs), maayos ang bentilasyon sa mga istasyon, at gumagana ang mga escalator at elevator.
Nauna nang inatasan ni Lopez ang LRTA at LTFRB na pag-aralan ang pagbibigay ng special permits sa mga bus upang magkaroon ng karagdagang masasakyan ang mga pasahero habang naghahanap ng pondo para sa pagbili ng dagdag na trainsets. (Teksto at Photo ni REY NILLAMA)
