
Texto at potograpiya ni Rey Nillama
QUEZON CITY — Hinamon ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga pinuno ng technical-vocational education and training (TVET) na tiyaking nagiging tunay na kakayahan sa trabaho ang mga kasanayan at sertipikasyong ipinagkakaloob sa mga nagsasanay.
Binigyang-diin ng ahensiya na hindi sapat ang mga programa at sertipikasyon sa papel lamang; mahalagang maipakita ng mga nagtapos ang kanilang kakayahan sa aktuwal na trabaho.
Ito ang isa sa mga pangunahing mensahe sa idinaos na 8th National Quality TVET Forum noong Miyerkules, Oktubre 14, sa Seda Vertis North sa Quezon City. May temang “Filipino Excellence in Action: Advancing Quality-Assured TVET for National Development” ang pagtitipon.
Ayon kay Vidal D. Villanueva III, deputy director general for operations ng TESDA, dapat magsilbing plataporma ang forum upang palakasin ang quality assurance at higit pang pagbutihin ang pagpapaunlad ng kasanayan ng mga Pilipino.
Binanggit niya ang kamakailang WorldSkills competition sa Shanghai, China, kung saan 600 kinatawan mula sa mga technical-vocational institution (TVI) ang lumahok nang personal, habang mahigit 1,000 naman ang sumali online.
Giit ni Villanueva, kailangang makalikha ang mga programa ng TVET ng mga manggagawang may sapat na kakayahan at kayang makipagsabayan sa pandaigdigang merkado.
Binigyang-diin din niya na dapat maisagawa sa aktuwal na trabaho ang talento ng mga Pilipino, sa halip na manatili lamang sa mga dokumento at sertipiko.
Hinamon din niya ang mga institusyon na suriin kung mananatiling epektibo ang kanilang mga programa sakaling mawala ang subsidiya ng pamahalaan. Aniya, mahalagang may konkretong pakikilahok at resulta ang mga talakayan sa forum.
“Let us make sure that the insights we gain here are turned into action,” ani Villanueva.
Kinuwestiyon din niya ang pagkakabilang ng Pilipinas sa ikaanim na puwesto sa ASEAN sa larangan ng skills development, at hinimok ang mga pinuno ng TVET na patuloy na itaas ang pamantayan ng kahusayan.
Sa isang video message, binati ni TESDA Director General Secretary Jose Francisco “Kiko” B. Benitez ang Certification Office sa pag-oorganisa ng forum.
Ayon kay Benitez, hindi sapat na bilangin lamang ang mga nagtapos at nakakuha ng sertipikasyon. Higit na mahalaga kung handa silang magtrabaho at taglay ang mga kasanayang kailangan ng mga employer.
Hinimok niya ang mga kalahok na bigyang-pansin ang sertipikasyon at pagsunod sa mga pamantayan.
“Sa TESDA, kayang-kaya,” pahayag ni Benitez.
Nagpaabot din ng pagkilala sa mga kalahok si Janet M. Abasolo, executive director ng TESDA Certification Office.
Dinaluhan ang forum ng mga opisyal ng TESDA, kinatawan ng mga institusyong pang-teknikal at bokasyonal, mga kinatawan ng pamahalaan at mga katuwang mula sa industriya upang talakayin ang pagpapahusay ng kalidad ng pagsasanay at pagtugon sa nagbabagong pangangailangan ng labor market.
