
MANILA, Philippines — Nilinaw ni actress Ara Mina ang matagal nang usap-usapan tungkol sa umano’y pagkaka-link sa kanya kay boxing legend Manny Pacquiao.
Sa panayam niya sa “Kay Susan Tayo! Vlogs,” sinabi ni Mina na naugnay lamang ang kanyang pangalan kay Pacquiao dahil magkasama sila sa pelikulang “Anak ng Kumander” noong 2008.
“Na-link lang. Because of the movie we made together,” ani Mina.
Ikinuwento rin ng aktres na minsang sinabi sa kanya ni Pacquiao na crush na siya nito bago pa man sumikat bilang isang boksingero.
Ayon kay Mina, sinabi raw ni Pacquiao na nakita niya noon ang poster ng aktres para sa Tanduay at nagbiro kung kailan niya ito makakasama.
Nang tanungin kung niligawan siya ng boxing icon, sinabi ni Mina na hindi niya itinuring na panliligaw ang ginawa nito.
“Ligaw ba ’yun? Parang normal na, I don’t think ligaw ’yung ginawa niya sa’kin,” saad niya.
Binigyang-diin ni Mina na sa kabila ng mga naging espekulasyon noon, wala silang naging romantikong relasyon ni Pacquiao.
Sa kasalukuyan, kasal si Mina sa businessman na si Dave Almarinez, na una niyang nakilala sa isang basketball event sa Laguna.
