

May isang tanong na paulit-ulit na bumubulong ngayon sa mga pasilyo ng Bureau of Customs (BOC)—nasaan na ang ipinangakong cash reward para sa mga empleyado na umaabot sa P51.6 bilyon?
Ayon sa ating mapagkatiwalaang source, mula 2021 hanggang 2023, ang sinasabing “collectible” ng humigit-kumulang 3,489 na empleyado mula sa 17 ports ng BOC.
Pag nagkataon, paldo ang mga BOC employees, kasi tinatayang P10 milyon hanggang P13 milyon ang matatanggap ng bawat isa.
Parang kanta ni Rod Stewart na “Some Guys Have All The Luck,” di ba?
Hindi ito tsismis lamang. Matagal nang usap-usapan sa loob ng ahensya na may nakalaang insentibo o cash reward para sa mga kawani ng Customs dahil sa patuloy na pagtaas ng koleksiyon ng ahensya.
Sa nakaraang mga buwan, ilang beses pang ipinagmamalaki ng pamunuan ng BOC ang kanilang record-breaking collections.
Bilyun-bilyong piso ang pumapasok sa kaban ng bayan mula sa buwis at taripa sa mga inaangkat na produkto.
Sa simpleng lohika ng mga rank-and-file employees, kung may rekord na koleksiyon ang ahensya, bakit tila wala namang nararamdamang gantimpala ang mga taong araw-araw na nasa frontline ng operasyon?
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na ang trabaho sa Customs ay hindi biro.
Ang mga examiner, appraiser, intelligence officers, at iba pang kawani ay humaharap araw-araw sa matinding pressure—mula sa smugglers, sa mga importers, at maging sa mga internal na regulasyon na patuloy na humihigpit.
Kung tutuusin, ang mga empleyadong ito ang tumitiyak na ang bawat container na dumadaan sa mga pantalan ay nasusuri nang maayos at na ang tamang buwis ay naibabayad sa gobyerno.
Kaya nang mabalitang may nakalaan umanong cash reward para sa mga empleyado bilang pagkilala sa mataas na koleksiyon ng ahensya, umasa ang marami.
Para sa maraming empleyado, hindi ito tungkol sa malaking halaga. Ito ay simbolo ng pagkilala sa kanilang sakripisyo at kontribusyon.
Subalit habang lumilipas ang mga buwan, tila nananatiling pangako lamang ang lahat.
Ang mas nakapagtataka, patuloy namang ipinapahayag ng pamunuan ng BOC na maayos ang takbo ng koleksiyon at nalalampasan pa ang target ng gobyerno.
Kung ganoon, natural lamang na magtanong ang mga empleyado: kung may sobra sa koleksiyon, bakit hindi maibigay ang ipinangakong reward?
Hindi rin maikakaila na ang morale ng isang ahensya ay nakasalalay sa kung paano pinahahalagahan ang mga tao nito.
Ang isang simpleng insentibo ay maaaring magbigay ng malaking motibasyon sa mga empleyado upang lalo pang pagbutihin ang kanilang trabaho.
Sa kabilang banda, kapag ang mga pangako ay hindi natutupad, nag-iiwan ito ng panghihina ng loob at pagdududa.
Hindi naman hinihingi ng mga empleyado ng Customs ang imposible. Ang gusto lamang nila ay malinaw na paliwanag.
Kung may cash reward nga, kailan ito ibibigay? Kung wala naman pala, bakit ito ipinangako?
Sa isang ahensyang may mahalagang papel sa ekonomiya ng bansa, mahalaga ang transparency—hindi lamang sa publiko kundi pati sa sarili nitong mga kawani.
Ang tanong ngayon ng marami sa loob ng BOC ay simple ngunit mabigat: Nasaan na ang ipinangakong cash reward?
